Tuguegarao, Cagayan – Umaray ang Cagayan Provincial Information Office (CPIO) dahil sa isang taon na budget na P 1, 500.00 lamang.
Dahil dito ay isinangguni ng pamunuan ng CPIO sa pamamagitan ni Ginoong Rogelio Sending sa Provincial Budget Office ang naturang isyu para malaman ang mga dapat gawin maipagpatuloy lamang ang mga programa ng naturang tanggapan.
Sa ipinasang Appropriation Ordinance No. 2017-9-01 na naaprubahan lamang ng Provincial Board noong Disyembre 1, 2017 ay tinapyasan ang CPIO budget sa naturang halaga.
Binigyan ng Sangguniang Panlalawigan ng isang libong piso (P1,000.00) ang pondong laan para sa Advertising Expenses mula sa panukalang P 1,528,000.00 at limang daang piso (P500.00) para sa Printing and Binding Expenses mula sa panukalang P 979,000.00.
At habang wala pang naipapasang budget para sa 2018 ang lalawigan ay gagamitin munang batayan ang budget ng 2017 kung saan ay nakapaloob ang naturang kakarampot na budget ng CPIO.
Kasabay nito ay nanindigan si OIC-Provincial Information Officer Rogie Sending na bagamat iginagalang niya ang kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan ay malinaw aniya na ang pagtapyas sa kanyang pondo ay pagkitil umano sa kalayaan sa pamahahayag at pagkakait sa mga Cagayanos na maimpormahan.
Sinasabi naman ng ilang kasapi ng Cagayan Provincial Board na ang pondo naman kasi ng CPIO ay nagagamit umano para serbisyuhan lamang ang interes ng gobernador at kung minsan ay nagagamit pa para pasamain ang Provincial Board o ilang kasapi nito
Dahil sa nangyayaring di pagkakasundo ng tanggapan ng Gobernador at Sangguninag Panlalawigan ng Cagayan ay may mga hinuhang mangyayari muli ang hindi pagkakapasa ng proposed budget para sa taong ito sa takdang oras.