Cauayan City, Isabela- Inilagay na sa ‘Red Alert’ Status ng Office of the Civil Defense (OCD) region 2 ang buong lambak ng Cagayan sa posibleng epekto ng Bagyong Siony.
Ayon kay Director Harold Cabreros, bagama’t walang gaanong pinsala ang nagdaang bagyo sa rehiyon subalit nakaapekto naman ang naranasang pag-uulan sa kabuuang 219 na pamilya na una nang isinailalim sa pre-emptive evacuation.
Bukod dito, nagkaroon na rin ng koordinasyon ang OCD-2 sa lalawigan ng Batanes habang naglagay na rin sila ng logistics hub para sa mga food packs na ipapamahagi sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng bagyo.
Hinimok naman ni Cabreros ang publiko na sumunod sa gagawing pre-emptive evacuation para maiwasan ang hindi inaasahang sitwasyon.
Samantala, nagsagawa naman ng aerial recon ang pwersa ng air force para tingnan kung may malaking epekto ang nagdaang bagyo at kung may kakailanganin pang ayusin bago pa man makaapekto ang Bagyong Siony.