
Pinagtibay ng Department of Budget and Management (DBM) na maaaring gamitin ang bahagi ng P39.8 billion na calamity fund bilang fuel subsidy para sa mga sektor na lubhang apektado ng mabilis na pagtaas ng presyo ng langis at produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, naitanong ni Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian kung pwedeng gamitin sa pagbibigay ng fuel subsidy sa transport sector ang nakapaloob sa pambansang budget para sa taong ito.
Tinukoy ni Budget Undersecretary Janet Abuel ang isang special provision sa 2026 General Appropriations Act (GAA) kung saan sinabing ang P23.4 billion na alokasyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Program ay maaaring gamitin sa mga serbisyo tulad ng pre-disaster activities, epidemya, krisis na resulta ng armadong pakikibaka, insurgency terrorism at iba pang sakuna.
Ayon kay Abuel, kung ang calamity fund ay nagagamit sa ayuda tuwing may local emergencies, higit lalo na kung may international crisis.
Sa opinyon ni Gatchalian, kapag tumuloy pa sa $100 kada barrel ang presyo ng crude oil sa mga susunod na buwan, mistulang nasa kalamidad na rin ang bansa.










