Nanawagan ng dayalogo ang Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) sa Department of Trade and Industry (DTI) kasunod ng ipinalabas nitong bagong listahan ng suggested retail price sa mga pangunahing bilihin.
Nabatid na dismayado ang nasabing manufacturer dahil ₱1.50 lang ang pinayagang taas-presyo sa kada lata ng sardinas gayong ₱3 ang hirit nila sa DTI.
Giit ni CSAP Executive Director Francisco “Bombit” Buencamino, kung tutuusin ay maliit pa nga ang tatlong pisong dagdag-presyo na hiniling nila noon pang Agosto 2022.
Sa nakalipas aniya na isa’t kalahating taong hindi nagdedesisyon ang DTI ay tumaas na naman ang manufacturing cost nila dahil sa pagmahal ng mga raw material gayundin ang ipinatupad na wage hike.
Tinawag pa ni Buencamimo na “unrealistic” ang SRP na aniya’y tila nagiging mandatory na sa halip na suggested.
Hindi na rin aniya kumikita ang ang manufacturer.
Kaugnay nito, pinagpaplanuhan ng CSAP na huwag nang mag-supply sa mga supermarket sa halip ay sa mga palengke na lang.
Habang pinag-aaralan din nilang mag-export sa ibang ASEAN countries kung saan dalawang beses umanong mas mataas ang retail price ng sardinas kaysa dito sa Pilipinas.