Cash assistance ng pamahalaan para sa mga OFWs na naapektuhan ng travel ban sa Hong Kong at Macau, inihinto na

Ititigil muna ng pamahalaan ang pamimigay ng cash assistance para sa mga na-stranded na Overseas Filipino Workers o OFWs dahil sa travel ban sa Hong Kong at Macau.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, hindi na magbibigay ng pinansyal na tulong ang gobyerno dahil partially lifted na ang travel ban sa mga nasabing bansa.

Matatandaan na unang ipinatupad ang travel ban sa Hong Kong at Macau dahil na din sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).


Sinabi pa ni Cacdac na simula ngayong araw, hindi na rin sila tatanggap ng aplikasyon mula sa mga OFWs na nasa Macau at Hong Kong.

Dagdag pa ni Cacdac, una na rin inihinto ang pamimigay ng cash assistance sa mga OFW na nasa Taiwan dahil binawi na din ang travel ban dito.

Nasa ₱10,000 ang ibinibigay na cash assistance sa mga naapektuhan ng travel ban, kung saan nasa ₱18.6-M ang kabuuang pera na kanilang naipamahagi na pinakinabangan naman ng nasa 8,016 na OFWs na naapektuhan ng travel ban sa Taiwan, Hong Kong, at Macau.

Facebook Comments