CAUAYAN CITY- Bagama’t ilang araw pa bago ang araw ng undas ay nakataas na sa full alert status ang Cauayan Aviation Police Station sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng IFM News Team kay PCapt. Eduard Caballero, nagsimulang itaas sa full-alert status ang kanilang hanay noong ika-23 ng Oktubre kung saan ipatutupad ang mas pinaigting na seguridad sa paliparan.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal ang mga kontrabando sa lugar katulad na lamang ng mga bala at baril kung saan noong buwan ng Setyembre ay may nasamsam silang air gun mula sa isang pasahero.
Dagdag pa niya, mas mainam na magtungo ng maaga sa paliparan bago ang iskedyul ng flight upang maiwasang maantala dahil sa dami ng pasahero.
Samantala, pinapaalalahanan naman ni PCapt. Caballero na sumunod sa mga batas na ipinatutupad sa loob ng paliparan upang hindi maantala ang byahe.