*Cauayan City* – Sa loob ng lima hanggang 10 taon mula ngayon, magiging digital na ang government transaction dito sa lungsod ng Cauayan.
Ito ang ipinagmalaki ni Mayor Bernard Dy sa isinagawang press conference kanina.
Sa isinagawang pirmahan ng memorandum of agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng lungdsod at ng kumpanyang PLDT-SMART Inc., Ipinagmalaki ni Mayor Dy na sinimulan niya ang adhikaing ito noong 2013 kasama ang Department of Science and Technology at ng Isabela State University.
Ito umano ang nakita ng kompanyang PLDT-SMART kaya nakikipagkasundo sila ngayon na dalhin ang lungsod ng Cauayan sa mas mataas na antas ng pagiging smarter city.
Nilinaw pa ni Mayor Dy na ang pagiging Smart City ay hindi kailangang maging urbanized city ang isang lugar. Kaya umanong maging Smart City kahit ang isang 3rd class city tulad ng lungsod ng Cuayan.
Dagdag pa ng punong lungsod na ang pagiging Smart City ay nasa kung paano ginagamit ang makabagong teknolohiya para mapaangat ang antas ng pamumuhay ng bawat sector ng isang lugar tulad ng mga magsasaka, estudyante at mga negosyante.
Tiniyak ng punong lungsod na sa paggamit ng makabagong teknolohiyang smart city app ay hindi maiiwanan ang mga ordinaryong magsasaka at mamamayan ng lungsod.
Sa katunayan, pangunahin sa layunin ng pamahalaan sa ilalim ng teknolohiyang ito ay ang hangaring baguhin ang kultura ng pagsasaka sa lungsod.
Bubuuin umano dito ang tatawaging Digital Farmers Program. Ipapatupad ang programang Saray na nabuo sa UP Los Baños.
Sa programang ito, digital na malalaman kung kailan ang pinakamainam na pagtatanim, gaano kadami ang kakailanganing abono at kung kailan dapat anihin ang mga pananim.
Iginiit pa ni Mayor Dy na sa 1st quarter sa susunod na taon ay hindi na siya pipirma ng mga business permit ng mga negosyante.
Bawat business man dito sa lungsod, kapag wala nang problema sa requirements ay maaari nang mag print ng business permit ang mga may ari mismo sa kanilang tahanan o kahit saan nila nanaisin gamit ang Smart City Application.
Dahil dito ay inaasahang mababawasan din ang problema sa red tape o suhulan sa pagitan ng mga negosyante at tauhan ng pamahalaan.
Para matiyak ang pagpapatupad nito at masimulan na sa lalong madaling panahon, itinalaga ni Mayor Dy si Atty. Reina Santos, Head ng Information Office bilang Smart City Officer.
Bumuo narin ang pamahalaang panglungsod na Smart and Sustainable Committee.
Sila ang aatasang babalangkas ng mga kakailanganin panuntunan para sa pagbibigay ng imprmasyon at pagpapatupad sa teknolohiyang pinagkasunduan ng LGU Cauayan City at PLDT Smart Company.
Naglaan na rin na kaukulang pondo ang lokal na pamahalaan ng Cauayan ng pondo para dito at kasama na ito sa kanilang BPLO.