Cauayan City, Isabela- Humihingi ng suporta at pang-unawa sa publiko ang pamunuan ng Cauayan City District Hospital dahil sa ilang araw na pagsasara nito.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. *Herrison Alejandro*, Chief of hospital ng *Cauayan* City *District Hospital*, nagsimula ang pagsasara sa nasabing ospital noong September 21 na magtatapos sa ika-26 ng kasalukuyang buwan para sa disinfection at paglilinis upang hindi lalong kumalat ang virus.
Ito’y makaraang magkaroon ng direct exposure ang mga staff ng ospital sa isang 66-anyos na lalaking nagpositibo sa COVID-19 na kalauna’y nagpositibo rin ang kanyang anak na nag-aasikaso sa kanya.
Agad naman aniyang inisolate ang kwarto ng mag-ama matapos malaman na positibo ang mga ito sa COVID-19.
Gayunman, marami aniya ang nakasalamuha ng tatay na nagpositibo kung saan nasa 74 na staff ng ospital ang isinailalim sa swab test ngunit nilinaw ni Dr. Alejandro na walang naging direct contact ang mag-amang nagpositibo sa ibang mga pasyente.
Ayon pa kay Dr. Alejandro, nasa maayos na kondisyon naman ang mga nakasalamuhang staff ng ospital at inabisuhan muna ang mga ito na mag self isolate habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang mag-amang pasyente para sa monitoring ng kanilang sitwasyon.