Cauayan City, Hindi Magla-lockdown

Cauayan City, Isabela- Iginiit ni City Mayor Bernard Dy na hindi magla-lockdown ang Lungsod ng Cauayan taliwas sa mga kumakalat nanamang impormasyon na isasailalim umano sa ECQ ang lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa alkalde, kanyang sinabi na hinding-hindi magla-lockdown ng siyudad sa kabila ng mataas na naitalang COVID-19 cases.

Ang posibleng mangyari aniya ay isasailalim sa ‘Calibrated lockdown’ ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.


Posible rin aniya na maisasara ang palengke kung makapagtatala ito ng maraming vendors na positibo sa virus.

Ayon pa sa alkalde, binabantayan na ng lokal na pamahalaan ang biglang pagdami ng positibong kaso na kung saan ay umaabot na sa 124 ang bilang ng active cases.

Paalala naman nito sa mga residente ng Cauayan na seryosohin sana ang itinakdang minimum health standards upang hindi mahawaan ng virus at mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Samantala, posible ani Mayor Dy na napasok na rin ng bagong variant ng COVID-19 ang Lungsod dahil na rin sa mabilis na pagkalat nito at pagkakatala ng maraming nahawaan ng virus.

Facebook Comments