Cauayan City, Isabela – Ipinagmalaki ni Mayor Bernard Faustino M. Dy sa kanyang State of the City Address 2018 (SOCA) kahapon, Enero 22, 2018, na Malnourish Free City of the North ang lungsod ng Cauayan.
Sa ginanap na SOCA 2018 ng punong lungsod, kanyang ibinahagi ang ginawang pagtugon ng pamahalaang lokal ng Cauayan upang maabot ang mataas na porsyento ng malusog na pamayanan.
Ang ilan sa mga hakbang na kanilang ginawa umano ay ang pagkakaroon ng mga feeding programs, pagtatayo ng Cauayan City Food Bank, pamamahagi ng libreng toothbrush at pagpapatayo ng mga klinika at Birthing Center sa iba’t-ibang barangay.
Dagdag pa ni Mayor Dy, humugit kumulang 10, 347 katao ang naging benipisyaryo ng programa kabilang na dito ang mga street children.
Naging malaki din umano ang naiambag ng mga klinikang naipatayo upang mabawasan ang malnutrisyon sa lungsod dahil sa pagkakaroon ng libreng konsultasyon at pagbibigay bakuna sa mga buntis at mga bata.
WATCH HERE: Panoorin Ang Naging Bahagi ng Talumpati ni Mayor Dy tungkol sa Malnutrisyon.
Patuloy namang umaasa ang punong lungsod na sa pamamagitan ng magagandang programa at pagtutulungan ng bawat isa mananatili ang pagsulong ng lungsod ng Cauayan.