Cauayan City Veterinary Office, Nagpaalala sa Publiko Kaugnay sa African Swine Fever!

*Cauayan City, Isabela- *Nagpaalala ang tanggapan ng City Veterinary sa Lungsod ng Cauayan na walang dapat ipangamba ang publiko sa isyu ng sakit na African Swine Fever sa mga alagang baboy o karne na ibinebenta sa mga palengke.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr.Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer, mahigpit ang kanilang isinasagawang monitoring sa mga karne ng baboy bago pa man ito maibenta sa palengke.

Aniya, lahat ng mga kinakatay na baboy sa Lungsod ay dumaan sa kanilang inspeksyon kaya’t ligtas itong bilhin.


Dagdag pa ni Dr. Dalauidao na kung may alagang baboy na namamatay ay agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan.

Samantala, sa pinakahuling panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Narciso Edillo, Regional Director ng Department of Agriculture (DA), patuloy at mahigpit pa rin ang monitoring ng kanilang binuong Task Force upang magsagawa ng checkpoint sa papasok at palabas na daanan sa Lambak ng Cagayan para masuri ang mga ipinapasok na mga alagang hayop.

Facebook Comments