Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer ng Lungsod ng Cauayan, kanyang sinabi na wala na silang namomonitor na bird flu dito sa Lungsod makalipas ang ilang buwang pagkakatala sa Barangay Marabulig 2 dala ng mga migratory bird.
Lahat aniya ng kanilang mga nakuhang blood samples sa mga manok mula sa lugar na apektado ng bird flu ay nagnegatibo sa nasabing virus.
Hanggang sa kasalukuyan, wala rin aniya silang natatanggap na impormasyon na may suspected cases ng bird flu dito sa Lungsod matapos na rin itong makontrol at hindi na naikalat sa mga karatig na lugar.
Umaasa naman si Dalauidao na sa lalong madaling panahon ay maidedeklara na bilang bird flu free ang Cauayan City.
Samantala, wala ring namonitor na newcastle disease sa lahat ng species ng ibon sa Lungsod ng Cauayan na naunang namataan sa lalawigan ng Cagayan.
Muli namang ipinapanawagan sa publiko na kung sakaling may suspected cases ng bird flu o newcastle disease sa lugar ay agad na isumbong sa kanilang tanggapan para agad din itong maaksyunan.