Tuguegarao City, Cagayan – Magsisimula na sa araw ng Biernes, Pebrero 23, 2018 ang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CaVRAA) meet na gaganapin sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ang magiging pangunahing bisita sa naturang Regional Sports Meet ay si Senador Manny Pacquiao na nakatakdang magbigay ng kanyang pananalita bandang alas kuwatro ng hapon.
Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan News sa Department of Education Tugeugarao, alas siete y medya ng umaga ay bubuksan ang palaro sa pamamagitan ng isang misa sa Tuguegarao Cathedral.
Kalaunan ay bubuksan ang K-12 Village sa Cagayan National High School ground bandang alas nuebe ng umaga.
Isusunod naman agad ang solidarity conference ng lahat ng mga kinatawan ng mga delegado, mga opisyal ng Dep-ed, LGU Tuguegarao at iba pang stakeholders mula alas nuebe hanggang alas dose ng tanghali.
Bandang alas tres ng hapon ay magkakaroon ng grand parade sa palibot ng lungsod kung saan ay iikot sa Centro ng Tuguegarao City ang mga atleta at mga coaches mula sa ibat ibang lugar ng rehiyon.
Dederetso ang mga atleta sa Cagayan Sports Complex kung saan alas kuwatro ng hapon nakatakda ang isang programa para sa pormal na pagbubukas ng palaro.
At sa opening program ay dito magkikita kita ang mga lokal na opisyales ng Tuguegarao at Cagayan kung saan ay pormal na tatanggapin ni Mayor Jefferson Soriano ang mga kalahok at mga bisita sa pamamagitan ng kanyang welcome greetings.
Samantalang sina Congressman Randolph Ting at Governor Manuel Mamba a magbibigay naman ng kanilang mga mensahe sa naturang programa.
Susundan ito ng mensahe na manggagaling kay Senador Manny Pacquiao na tanyag sa buong mundo sa professional boxing.
Ang mangunguna naman sa pagsambit sa Oath of Amateurism ay si national athlete Alyssa Valdez.
Magtatapos ang unang araw ng CaVRAA sa isang stakesholder’s night na gaganapin sa Tuguegarao Sports Colliseum.
Ang CaVRAA Meet ay taunang sports event para sa limang lalawigan at apat na lungsod ng Cagayan Valley.
Ito ay magsisimula sa Pebrero 23 at magtatapos sa Marso 1, 2018.