Madalas ba kayong nahihirapan maghanap ng parking space sa Cebu?
Halos maubos ba ang inyong oras at tila nakikipagpatintero sa ibang kapwa tsuper para sa makikitang parking lot?
Sa mga susunod na taon, maari nang masolusyunan ang inyong problema dahil sa ginawang smartphone app ng mga estudyante mula sa University of San Jose Recoletos (USJR) Cebu City.
Dinevelop nina Noel Daniel Seldura, Kevin Cerdon, at Jesury Thomas Gadiane, Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) sophomore students ng USJR, ang mobile app na CarSpace.
Ayon sa mentor ng grupo na si Eric Magto, inabot sila ng tatlong buwan bago matapos ang proyekto.
“CarSpace is a mobile application for drivers having a difficulty of looking for a parking space. We observed that there’s a difficulty in looking for a place to park,” sabi ni Magto.
Dahil sa natatanging imbensyon, pinarangalan sila bilang grand winner sa Smart Wireless Engineering Program (SWEEP) na inorganiza mismo ng Smart Communications.
Layunin ng paligsahan na gumawa ng application, sa tulong ng makabagong teknolohiya, ang mga estudyante para maibsan ang kadalasang hinanakit ng mga consumers.
Natalo ng mga kalahok mula sa USJR ang 19 na grupo mula sa iba’t-ibang pamantasan sa buong Pilipinas. Naguwi din sila ng premyong P300,000.
Ginanap ang awarding ceremony sa Discovery Primea Hotel, Makati City noong Mayo 10.
Subalit, kailangan pa maghintay ng dalawang taon ang mga cellphone users dahil tuloy pa rin ang pag-eeksperimento ng mga estudyante sa Carspace. Kapag maayos na, maari na itong i-download at malalaman ng mga drayber ang malapit na parking space kung nasaan man sila. Nakalagay rin ang presyo ng parking fee.
Ang future mobile app users ay makakita ng parking space galing sa mga parking lot owners, residential houses, at may-ari ng mga bakanteng lote.