Cellphone ng pinatay na radio broadcaster na si Percy Lapid, hindi nakitaan ng anumang ebidensya – NCRPO

Hindi nakakuha ang mga awtoridad ng anumang impormasyon sa cellphone ng radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang “Percy Lapid” na pinatay habang pauwi sa kaniyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong October 3.

Ito ay kinumpirma ni PCol. Restituto Arcangel, District Director for Operations ng Southern Police District (SPD) at tagapagsalita ng Special Investigation Task Force na tumututok sa kaso ng pagpaslang kay Lapid.

Ayon kay Arcangel, nakausap na rin nila ang pamilya ng biktima at sinabi na walang binabanggit si Lapid na may banta sa kaniyang buhay.


Nabatid na kaninang umaga ay inilabas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang larawan ng “person of interest” sa pagpatay sa nasabing beteranong mamamahayag.

Kasunod nito, hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na sumuko na ang gunman sa mga pulis bago pag-initan ng mastermind ng krimen.

Dagdag pa ni Abalos, naka-alerto ang buong bansa at hindi na rin siya na makakapagtago pa sa kamay ng batas.

Samantala, hindi pa rin tiyak ng kapulisan ang motibo sa pagpatay kay Percy Lapid.

Facebook Comments