Manila, Philippines – Sang-ayon si Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra sa mungkahi ng Consultative Committee (ConCom) na palawakin ang komposisyon ng Judicial and Bar Council (JBC).
Sa ilalim ng kasalukuyang saligang batas, ang JBC ang may mandatong tumanggap at magsala ng mga nominado at aplikante para sa mga posisyon sa Hudikatura, Ombudsman at Deputy Ombudsman.
Ayon kay Guevarra, na ex-officio member ng JBC, magandang ideya ang ipinapanukala ng ConCom na pinamumunuan ni Retired Chief Justice Reynato Puno.
Naniniwala si Puno na kung madaragdagan ang komposisyon ng JBC ay mas masasala ang qualification at integridad ng mga aspirante sa Hudikatura.
Ang JBC sa kasalukuyan ay may pitong myembro na kinabibilangan ng Supreme Court Chief Justice, kalihim ng DOJ at kinatawan mula sa Kongreso na tumatayong mga ex-officio member habang regular member naman ang isang kinatawan mula sa hanay ng mga retiradong mahistrado, academe, Integrated Bar of the Philippines (IBP) at mula sa pribadong sektor.