*Cauayan City, Isabela*- Kanselado na ang biyahe ng ‘charter flight’ mula Macau na kadalasang mga Chinese National ang bumibiyahe patungo sa mga casino na nasa loob ng Cagayan Economic Zone Authority.
Ito ay bahagi ng isinasagawang precautionary measure upang maiwasan ang pagpasok ng Novel Corona Virus sa Probinsya ng Cagayan maging sa buong rehiyon.
Ayon kay Community Relations Specialist Charlotte Collado ng CEZA Region 2, tuwing miyerkules at Linggo ay nagtutungo ang mga Chinese national sa loob ng CEZA para sa Casino subalit mahigpit ng pinagbawalan ang pagbiyahe papasok at palabas ng International Airport sa Bayan ng Lal-lo.
Sinabi pa ni CEZA Specialist Collado, tinatayang nasa mahigit isandaang Chinese national ang nagtutungo sa mga casino sa Bayan ng Santa Ana.
Samantala,doble naman ang ginagawang paghahanda ngayon ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Health Region 2 para tiyakin ang hindi pagpasok ng nakamamatay na sakit na mula sa bansang China.
Pinawi naman ng DOH ang kumakalat na impormasyon na may dalawang Chinese National ang nakaquarantine sa Bayan ng Santa Ana dahil umano sa suspected Ncov.