Pinayagan na rin ng Commission on Higher Education (CHED) na magbukas ng Doctor of Medicine program ang dalawang pampublikong unibersidad para sa taong pampaaralan 2021-2022.
Ito ay ang Cebu Normal University-Vicente Sotto Memorial Medical Center at ang Western Mindanao State University.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera III, ang pagbubukas ng programa sa dalawang unibersidad ay naging posible sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) Act at ng Doktor Para sa Bayan program.
Batay sa UHC, ang CHED ay dapat gumawa ng mga plano para mapalawig ang training at pagtuturo ng mga kursong konektado sa kalusugan na nakaayon sa pangangailangan ng mamamayan.
Habang ang Doktor Para sa Bayan program naman ay naglalayong mabigyan ng scholarship ang mga mag-aaral sa kursong medisina, sa kondisyong sa Pilipinas muna sila magtatrabaho matapos makakuha ng lisensya.