Nagsasagawa ng signal jamming ang China para hindi makita ang mga barko ng Pilipinas sa Bajo De Masinloc.
Sa pahayag ni Coast Guard Commodore Jay Tarriela, Tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS) napansin nila na kahit gumagana ang AIS o Automatic Identification System ng mga barko ng Pilipinas ay may mga pagkakataong hindi makapag-transmit ng signal ang mga ito.
Ang AIS ang makina na naglalabas ng signal na dahilan para ma-monitor kung nasaan ang isang barko at kung anong barko ito.
Sinabi ni Tarriela na napuna na nila ito sa huling deployment ng Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Teresa Magbanua at BRP Datu Tamblot.
Naniniwala si Tarriela na ginagawa ng China ang jamming ng AIS sa tuwing naglalabas ang naturang bansa ng pahayag na napaalis nila ang mga barko ng Pilipinas.
Dagdag pa ng opisyal, sa pamamagitan nito ay hindi kayang pabulaanan ang pahayag nila na napalayas ang mga barko ng Pilipinas dahil sa hindi ito makita sa pamamagitan ng AIS.
Samantala, sinabi pa ni Tarriela na sa huling misyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo De Masinloc, nasa tatlong barko ng Navy ng China ang namataan pero nasa labas lamang ito ng teritoryo o 25 nautical miles ang layo.
Gayunman, nagpalipad pa rin ng helicopter ang isa sa mga barko at pumasok sa airspace ng Pilipinas habang namamahagi ang BFAR ng langis sa mga mangingisdang Pilipino.