
Mas lumalayo na ngayon ang barko ng China na iligal na nananatili sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, dahil sa patuloy na pagbabantay ng BRP Cabra ay lumayo na ng bahagya ang barko ng China Coast Guard.
Samantala, pinalitan ng CCG-3103 ang CCG-3304 na iligal na nagpapatrolya at iligal na nananatili sa Zambales.
Lumalabas pa na ine-escortan ito ng CCG-5901 na tinaguriang “Chinese monster ship”.
Sa unang pagkakataon din, nakitang gumamit ng Long Range Acoustic Device ang pumalit na barko ng China na naglalabas ng tunog na masakit sa tenga at maaaring magdulot ng pinsala sa pagdinig.
Pero sabi ni Tarriela, binubuntutan din ng BRP Cabra ang barko ng CCG at patuloy din ang oras-oras na pagradyo para igiit na lumalabag sila sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ng 2016 Arbitral Award.