
Hiniling ni Quezon City Fifth District Representative Patrick Michael Vargas sa pribadong sektor na aktibong makilahok sa pagtugon sa problema kaugnay sa job mismatch at kawalan ng trabaho.
Sabi ni Vargas, malaking tulong kung makikibahagi ang private sector sa pagpapatupad ng Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act.
Binigyang diin ni Vargas na sa pamamagitan ng EBET Framework Act ay gagawin ang upskilling o pagpapahusay sa kakayahan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsailalim sa kanila sa mga specialized training.
Ito ay para mas dumami ang oportunidad na makapasok sila sa mga available na trabaho sa iba’t ibang industriya sa bansa.
Binanggit ni Vargas na ang mga negosyo na magpapatupad ng EBET o apprenticeship programs ay pagkakalooban ng insentibong nakasaad sa batas tulad ng bawas sa kanilang taxable income na katumbas ng 50% ng kanilang actual training expenses.
Dagdag pa ni Vargas, hindi na rin sila pagbabayarin ng duties at taxes kung magbibigay sila ng donasyon, subsidiya o tulong-pinansyal sa certified TESDA technical-vocational institutions.