Chinese, arestado sa pangingidnap ng kapwa Chinese; 2 bihag nailigtas ng PNP-AKG

Nahuli ng PNP- Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Chinese na sangkot sa pagdukot ng kapwa Chinese.

Kinilala ni PNP-AKG Spokesperson Police Major Rannie Lumactod ang suspek na si Xiong Xiong na nahuli nitong Martes sa isang subdivision sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.

Aniya, natukoy nila ang kinaroroonan ng suspek makaraang ituro ng isang biktima na napalaya na nito matapos magbayad ng ransom.


Dahil dito, nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga pulis na naging dahilan ng pagkakasagip ng 2 Chinese.

Sa ulat pa ng PNP-AKG, dinakip sa NAIA ang isang biktima nitong September 1 at kapalit ng kalayaan nito ay nanghihingi ang mga suspek ng 20,000 Yuan (P150,000).

Ang isang biktima naman ay dinukot sa Pasig noong August 31 at 16,300 Yuan (P150,00) ang hinihingi sa kanyang kalayaan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng AKG ang suspek habang pinaghahanap ang iba pa niyang kasamahan.

Facebook Comments