Hawak na ng mga awtoridad ang isang Chinese national na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa tangka nitong lumabas ng bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, ang suspek ay kinilalang si Hu Zhen, 25 years old na naharang sa NAIA Terminal 3 at may kinahaharap na kasong kidnapping at ang pagditine nito sa kapwa niya Chinese.
Pasakay ito ng flight patungong Singapore nang maharang ng BI.
Subject si Zhen ng outstanding Hold Departure Order (HDO) na inisyu ng regional trial court sa Angeles City.
Base sa record, mayroong isinampang kasong kidnapping at serious illegal detention for ransom kay Hu at tatlo pang Chinese nationals sa Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 56 noong March 30, 2020.
Ayon sa mga prosecutor, ang suspek kasama ang apat na akusado ay nagsabwatan para dukutin at ikulong ang isang Chinese national.
Dalawang linggo umanong ikinulong ang biktima at hinihingian ng 300,000 Renminbi o nasa mahigit P2.3 million, pero nailigtas to ng mga pulis noong March 15, 2020.