Iimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang kaso ng pamamaril ng isang non-uniformed police personnel sa Davao City sa 19 anyos na estudyante na si Amier Mangcop.
Batay sa report ng Davao Police Station, nagkaroon ng pagtatalo ang grupo ng suspek na si Marvin Rey Pepino at ni Mangcop noong July 2 sa isang bar.
Inatake umano ng estudyante si Pepino dahilan para bumunot ito ng baril at paputukan ang biktima.
Mariin naman itong itinanggi ng pamilya ng estudyante.
Ayon kay CHR Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia, layon ng independent investigation na laliman pa ang imbestigasyon sa gitna ng magkasalungat na pahayag ng panig ng biktima at pinaparatangan.
Nais ding malaman ng CHR kung bakit may bitbit na baril ang suspek na si Marvin Rey Pepino kahit wala na ito sa duty.
Ang magiging resulta ng imbestigasyon ay posibleng magamit din sakaling muling i-review ang guidelines sa firearm use and regulation sa bansa.