Mag-iimbestiga na rin ang Commission on Human Rights (CHR) sa kaso ng pamamaril ng riding-in -tandem sa 15-anyos na batang babae habang papauwi sa Cabugao, Ilocos Sur.
Sa isang statement, kinondena ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia ang insidente.
Sinisilip ng CHR ang sumbong na ginahasa umano ng dalawang pulis ng San Juan Municipal Police Station ang biktima at pinsan nito matapos mahuli ang mga ito dahil sa paglabag sa curfew.
Ikinalungkot ni de Guia na ang mga pulis na dapat nagbibigay proteksyon sa mga bata at kababaihan ang silang gagawa ng naturang karumal-dumal na krimen.
Ani ni de Guia, ipinapakita ng pangyayari na vulnerable sa pang-aabuso ang mga batang kababaihan sa panahon ng pandemya.
Hinamon ng CHR ang Philippine National Police na bigyan ng hustisya sa pamilya ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanagot sa kanilang mga bugok na kabaro.