Iginagalang ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naging pasya ng Department of Justice (DOJ) na ibasura ang isa sa mga reklamo na isinampa nila laban kay Congressman Arnulfo Teves.
Ayon kay CIDG Director Police Brig. Gen. Romeo Caramat, hinihintay pa nila ang opisyal na kopya ng resolusyon ng DOJ.
Aniya, patunay lamang na ang mga suspek sa krimen ay inuusig at hindi ginigipit ng gobyerno.
Gayunman, nilinaw ng CIDG na ang ibinasurang reklamo ay isa lamang sa maraming kasong isinampa nila laban kay Teves.
Sa ngayon ani Caramat, hinihintay pa ng CIDG ang resolusyon ng DOJ hinggil naman sa reklamong Illegal Possession of Firearms and Explosives laban kina Congressman Teves at dalawa nitong anak na sina Kurt Matthew at Axel Teves na kanilang isinampa noong Marso 15.
Ito’y matapos madiskubre ang matataas na kalibre ng baril, hand grenade, grenade launcher at assorted ammunition matapos ang isinagawa nilang raid sa tahanan ng mga Teves sa Bayawan City, Negros Oriental.
Nauna pa rito ang 3 counts ng murder na isinampa rin ng CIDG laban kay Congressman Teves at iba pa, kaugnay sa pagpatay kay Board Member Miguel Dungog, Lester Bato at Pacito Libron.