Cauayan City, Isabela- Nagpasalamat si City Mayor Bernard Dy sa lahat ng mga Frontliners na patuloy na humaharap at nagsisikap upang mapagtagumpayan ang ating nararanasang krisis sa COVID-19.
Sa public address ng Punong Lungsod kaninang umaga, taos puso ang kaniyang pasasalamat dahil nananatili pa rin na COVID-19 Free ang Lungsod ng Cauayan.
Bagamat walang tinamaan ng COVID-19 sa Lungsod ay hindi aniya nito hahayaan na may magpositibo pa sa sakit kaya’t patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad sa Enhanced Community Quarantine.
Bilang bahagi ng pagpapatupda ng ECQ ay ipinasara na mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon ang mga pangunahing pamilihan sa Lungsod habang nag-ooperate na simula alas 9:00 hanggang alas 12:00 ng tanghali ang lahat ng mga bangko.
Ito’y upang maiwasan rin ang exposure at contact sa ibang tao at mapigilan na rin ang pagkalat ng naturang sakit.
Sa ngayon ay mayroon naitalang 144 Persons Under Monitoring (PUM) at apat (4) na Person Under Investigation (PUI) sa buong Lungsod ng Cauayan.