Cauayan City, Isabela- Nakahanda na ang pamahalaang lokal ng Ilagan para sa gagawing pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga Ilagueño.
Nakalatag na rin ang pre-vaccination plan ng Lungsod para sa phase one na aprubado ng City Council sa pangunguna ni Councilor Jayve Diaz.
Naglaan ang LGU Ilagan ng halagang P50 Milyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccine at nangako rin ang pamahalaang panlalawigan na tumulong sa pagbili ng bakuna.
Sinabi ni Coun. Diaz na nakadipende ang brand ng bakuna sa availability at papayagan ng gobyerno subalit tinatarget ng LGU ang AstraZeneca vaccine.
Sakaling makabili at mayroon na ang bakuna sa Lungsod, uunahing tuturukan ng bakuna ang mga prayoridad na grupo gaya ng mga front liners, senior citizens, mga may comorbidity, frontline personnel sa mga essential sectors, uniformed personnels at mga mahihirap.
Isasagawa ang pagbabakuna sa Lungsod sa mga napiling lugar at ospital gaya ng Ilagan community center, Gov. Faustino Dy Sr. Hospital, San Antonio City of Ilagan Hospital, City Health Unit 2, Rural Health Unit 1 Lulutan at the City of Ilagan Medical Center.
Sa phase one ng gagawing pagbabakuna, tinatayang nasa 50,000 katao sa Siyudad ang target na maturukan ng bakuna.
Isusunod naman na bakunahan ang mga guro, social workers, government workers, OFWs at iba pang mga manggagawa kasama ang iba pang mga Ilagueños.