CJ Peralta, kinumpirma na 252 na ang COVID-19 cases sa kanilang hanay

Kinumpirma ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na 252 na ang kaso ng COVID-19 sa Hudikatura.

Sa kanyang virtual press briefing na may temang “Supreme Court: Rising above the Pandemic,” nilinaw naman ni CJ Peralta na ang 252 na COVID-19 cases sa Hudikatura ay 0.87% lamang ng 28,954 na kabuuang bilang ng court employees.

Ayon pa kay Peralta, sa Korte Suprema ay 55 na mga kawani na ang na-infect ng virus mula sa kabuuang bilang na 2,705 na mga kawani.


Pagdating naman sa Court of Appeals, 48 mula sa 1,437 na mga empleyado ang nagpositibo sa COVID-19.

Sa Sandiganbayan, 14 na mga empleyado ang tinamaan ng COVID-19 mula sa 439 na mga kawani.

Habang sa Court of Tax Appeals naman, 8 lamang mula sa 273 na mga kawani ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.

Sa lower courts naman aniya ay umaabot lamang sa 127 ang COVID-19 cases, mula sa 24,100 na court personnel.

Ayon kay Peralta, may mga hakbang na silang ginagawa upang maiwasan ang pagdami pa ng mga kaso ng COVID-19 sa Hudikatura.

Sa Korte Suprema aniya ay mahigpit sila sa health protocols, at mayroon ding disinfection chamber bukod sa namamahagi rin ng mga face mask sa mga kawani at mayroon ding COVID-19 test.

Facebook Comments