Manila, Philippines – Pinayuhan ni Albay Rep. Edcel Lagman si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi naman nito kailangang humarap sa pagdinig ng impeachment case nito sa Nobyembre 22.
Ayon kay Lagman, maaari namang hindi sundin ni Sereno ang imbitasyong ipinadala ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali dahil may umiiral na karapatan ito sa ilalim ng Konstitusyon.
Maaari namang kumatawan sa Chief Justice ang kanyang mga abogado at pinapayagan din naman na makapagtanong ang mga ito sa mga testigo.
Paliwanag ni Lagman, parehong ang Constitution at ang House Rules on Impeachment ay nagbibigay ng karapatan sa isang akusado na mamili ng kanyang counsel tulad sa criminal prosecution.
Binibigyang karapatan din sa ilalim ng batas na isailalim ng abogado sa cross examination ang haharap na testigo.