CLOSE CONTACTS NG 2 DELTA VARIANT PATIENTS SA SANTIAGO CITY, NATUKOY NA; ACTIVE CASES, BAHAGYANG BUMABA

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan nang naka strict quarantine sa isolation facility ang mga natukoy na nakasalamuha ng dalawang (2) naitalang kaso ng Delta variant sa Santiago City.

Sa panayam ng ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City, naitala aniya sa magkahiwalay na barangay ang dalawang kaso ng delta variant sa kanilang Siyudad na kasalukuyan rin binabantayan sa isolation facility.

Ayon kay Dr. Manalo, mayroong travel history ang dalawang nagpositibo sa Delta variant at posible aniya na sila ay nahawa sa kanilang pinanggalingan.


Samantala, bahagyang bumaba ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Santiago.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Santiago City Health Office as of 8:00 AM ngayong araw ng Huwebes, August 26, 2021, bumaba sa 95 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa siyudad dahil walang naitalang panibagong positibong kaso at nakapagtala rin ng dalawang (2) panibagong gumaling na pasyente.

Umaabot naman ngayon sa 4,602 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID sa Santiago City kung saan 4,378 rito ang gumaling habang 126 sa mga ito ay namatay.

Dagdag dito, sapat pa rin ani Dr. Genaro Manalo ang bilang ng mga beds para sa mga positibo sa COVID-19 sa Santiago City.

Facebook Comments