Cloud seeding sa mga lugar na labis na apektado ng Taal volcano eruption, inirekomenda ng liderato ng Senado

Iminungkahi ni Senate President Tito Sotto III ang pagsasagawa ng cloud seeding sa mga lugar na lubhang apektado ng pag-putok ng Bulkang Taal kabilang ang Batangas, Cavite at Tagaytay.

Ipinaliwanag ni Sotto na layunin ng cloud seeding na malinis ang hangin mula sa matinding abo na ibinuga ng Bulkang Taal.

Para kay Sotto, hindi na kailangang hintayin ang ulan dahil ang tubig na magmumula sa cloud seeding ay makakabawas sa masamang epekto sa kalusugan ng ashfall.


Sabi ni Sotto, nagpahayag na rin ng suporta ang ibang Senador sa kanyang suhestyon.

Ipinaabot na ni Sotto ang kanyang mungkahi kina Executive Secretary Salvador Medialdea, at sa Philippine Air Force.

Ayon kay Sotto, sinabi ni Air Force Chief Lt. General Rozzano Briguez na pinag-aaralan na nila ang cloud seeding operations na maaring gawin sa oras na pwede ng lumipad ang mga kanilang eroplano.

Sa ngayon kasi anya ay makakaapekto sa makina ng mga eroplano ang nagaganap na pagsabog ng bulkan.

Facebook Comments