Nanggalaiti si Coco Martin kay Solicitor General Jose Calida at National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN.
Sa Instagram nitong Martes, sarkastikong pinasalamatan ng Kapamilya actor si Calida at nasabing ahensya para sa kanilang “ambag sa bayan”.
“Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino!” hinaing ni Martin sa mga nagsulong sa pagpapasara ng network.
Iginiit ng “Ang Probinsyano” star na hindi man siya “kasing talino ng iba”, malinaw aniya na hindi makatarungan ang cease-and-desist order ng NTC.
“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan! Tinatarantado ninyo ang mga Pilipino!” pagtatapos ng aktor.
https://www.instagram.com/p/B_znHgKJ9pD/
Bagaman hindi direktang sangkot sa desisyon ng NTC si Calida, matatandaang binalaan niya ang ahensya na hindi nito maaaring bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN na magpatuloy sa operasyon kahit na ipinag-utos ng House of Representative.
Tumigil sa pagsasahimpapawid ang ABS-CBN, Martes ng gabi, alinsunod sa kautusan ng NTC.