Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Cortez, sinabi niya na walang naging problema sa mga ginamit na Vote Counting Machine’s o VCMs dahil regular o tuloy-tuloy naman aniya ang paggamit nito liban na lamang sa mga nasagutang balota na kinain ng VCM.
Paliwanag ni Cortez, posible aniya na dahil ito sa lamig ng panahon kung kaya’t nagbabago ang texture at lapad ng balota na dahilan kung bakit nakakain ng machine ang mga sample ballot.
Ayon pa kay Atty. Cortez, nasa 85 voters lamang na mga residente sa brgy. District 1 ang sumali noon sa mock election kung kaya’t pinaboto na lamang yung ilang watchers, election officers at ilang mga nakabantay na pulis sa paligid ng South central school para lamang makumpleto yung isang daan na target voters sa mock election samantalang nakumpleto naman ang 100 voters sa brgy. Minante Uno.
Inilarawan din ni Atty. Cortez na hindi balota ng Lungsod ng Cauayan o sa kahit na anong lugar sa Pilipinas ang ginamit at sinagutang ballot ng mga botante dahil tanging mga pangalan aniya ng mga foreign artists at mga banda sa ibang bansa ang nakasulat sa dummy ballot.
Pagkatapos ng isinagawang mock election, agad na i-trinansmit sa Session hall ng Cauayan ang resulta habang ang mga balota naman ay dinala sa head office ng COMELEC sa Maynila para naman sa gagawing pagsusuri kung akma ang bilang ng mga boto sa balota doon sa trinansmit na datos sa session hall.
Ayon pa kay Atty. Cortez, nasunod naman ang health and safety protocols sa isinagawang mock election at kayang-kaya namang ihandle ang mga botante sa Lungsod subalit hiniling pa rin nito sa mga boboto na kailangan pa rin ang disiplina at kooperasyon para maging maayos at payapa ang isasagawang halalan sa May 9, 2022.