
Nakatakdang maghain ng petisyon ang ilang abogado para ipa-impeach si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia.
Ayon sa petitioner na si Atty. Marvin Aceron, ito ay dahil sa paglabag umano ni Garcia sa Automated Election System Law, betrayal of public trust at iba pang umano’y krimen na nag-ugat sa nakalipas na dalawang national elections.
Apat na articles ang inilatag nina Aceron kabilang ang paggamit umano ng ibang source code, hindi awtorisadong server at paglilihim sa paggamit ng single private IP address para sa 20,000 vote counting machines nitong mga nagdaang halalan.
Isa pa sa pinagbatayan ang tinawag nilang betrayal of public trust dahil sa sistematiko at namimiling pagpapatupad ng campaign finance laws sa kaso nina Senator Chiz Escudero at Sen. Rodante Marcoleta kaugnay sa pagtanggap nila ng donasyon nang tumakbo noong 2022 at 2025.
Samantala, tinawag naman ni Garcia na lumang isyu ang mga alegasyon at paulit-ulit na raw nila itong sinagot.
Napatunayan na raw ang kredibilidad ng mga nagdaang halalan sa pamamagitan ng random manual audit, revision ng mga balota, citizens arm, observers at kinilala rin ng international community.
Sa kaso naman aniya nina Escudero at Marcoleta, ipinaliwanag ni Garcia na pareho siyang nag-inhibit sa kaso at naipaliwanag na rin daw nila ang naging disposisyon ng poll body.










