COMELEC Chairman George Garcia, nagpasalamat sa matagumpay na plebisito sa Maguindanao

Pinuri ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang mga naging katuwang sa matagumpay na plebisito sa Maguindanao kung saan niratipikahan ang pagkakahati ng lalawigan, ang Maguindanao del Sur at ang Maguindanao del Norte.

Tinukoy ni Garcia ang mga mamamayan ng lalawigan na nakiisa sa ginanap na plebisito kung saan itinala ang mataas na bilang ng YES vote na na nasa 706,558 laban sa NO vote na 5,209.

Bukod sa mga residente ng Maguindanao, pinuri din ni Garcia ang kooperasyon ng DepEd, PNP, AFP at local government na napatunayan at nasubukan sa naging tagumpay na national election.


Inihayag din ni Garcia na matagal nang isinusulong ang paghahati ng Maguindanao at ngayon ay opisyal nang sinelyuhan ang dalawang lalawigan sa pamamagitan nang pagratipika sa Republic Act 11550 o ang batas na nagtatatag sa dalawang lalawigan ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Umaasa siya at ang buong komisyon na ang masiglang pagsusulong sa demokrasya at halalan ay maganap sa buong bansa lalo ba sa mga darating na special elections at ang mga susunod na national and local electoral exercises.

Facebook Comments