Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na mauulit ang pagsasapubliko ng pangalan ng mga suspected narco-politician na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng naging pahayag ng Department of the Interior and Local Government o DILG na may ikalawang batch pa ng narcolist ang kanilang ilalabas.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – “unfair” at nakakaapekto sa pamilya ng sinasabing narcopolitician ang pagsasapubliko sa kanilang pangalan lalo na kung napagbintangan lang naman.
Nagmistulang “trial by publicity” aniya ang ginawa ng gobyerno.
Kasabay nito, nilinaw ng Comelec na labas ang kanilang tanggapan sa sunod na gagawing hakbang ng dilg laban sa mga narco-politician.
Nanindigan din ang poll body na hindi sila papayag na pilitin sila ng DILG para i-disqualify ang mga pinangalanan nilang pulitiko dahil ang mga may final conviction lang sa korte ang maaari nilang idiskwalipika sa kanilang kandidatura.
Payo nito sa DILG, mag-focus sa pangangalap ng mga ebidensyang magdidiin sa mga inakusahan nilang opisyal.