COMELEC, hindi na isinasantabi ang posibleng pagpapalawig sa voter registration

Hindi na maaaring isantabi ang posibilidad na palawigin pa ang voter registration ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Paliwanag ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, mismong ang Senado na kasi ang naglabas ng resolusyon at nakadepende rin sa kanila ang magiging pondo ng ahensiya.

Aniya, posibleng magpatawag ng pulong si COMELEC Chairman Sheriff Abas sa kabila ng unang desisyon na huwag nang i-extend ang registration dahil sa kakulangan ng oras para maghanda sa 2022 elections.


Batay kasi sa timeline ng COMELEC ay kinakailangang maisapinal na ang listahan ng mga botante pagsapit ng Disyembre at matapos na ang pag-imprenta ng mga balota sa January 2022.

Pero sa kasalukuyan ay nasa isang milyon pang mga kabataan ang hindi pa nakakapag-parehistro na mas mababa sa target ng COMELEC.

Facebook Comments