Iniimbestigahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang newspaper report ukol sa umano’y data breach sa server ng poll body na maaaring makaapekto sa integridad ng halalan sa Mayo 2022.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, inimbitahan na nila ang mga author ng report para magbigay linaw sa kanilang alegasyon.
Ayon sa Manila Bulletin, natuklasan ng kanilang Technews team ang pangha-hack noong Sabado kung saan umano nakuha ang 60 gigabytes ng mga sensitibong datos na may kinalaman sa eleksyon gaya ng username at personal identification numbers (PINS) ng mga vote counting machine.
Gayunman, duda ang COMELEC dahil hindi pa naman na-e-encode sa kanilang system ang sinasabing mga datos na nakuha ng mga hacker.
Dagdag pa ni Jimenez, kakaunti lamang ang ebidensyang ibinigay ng report tungkol sa umano’y data breach.
Gayunman, tiniyak ng COMELEC sa publiko ang buo at masusi nitong pagsunod sa Data Privacy Act at ang patuloy na kooperasyon sa National Privacy Commission.