Nagpalabas na ng show cause order ang Commission on Elections (COMELEC) Second Division laban kay Jaen, Nueva Ecija Mayor Antonio Prospero Esquivel.
Kasunod ito ng pagmamatigas daw ng alkalde na bumaba sa pwesto sa kabila ng status quo ante order ng COMELEC na nagpapababa sa puwesto kay Mayor Esquivel.
Sa show cause order na may petsang February 3, 2021 at pirmado ni COMELEC Presiding Commissioner Socorro Inting, binigyan nito ng limang araw si Esquivel para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-cite for contempt dahil sa pagmamatigas na sundin ang kautusan ng poll body.
Hinihingan din ng COMELEC ng report si Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 3 Director Julie Daquioag hinggil sa pagtalima nito sa pagpapatupad ng status quo ante order laban kay Esquivel na unang ipinag-utos ng poll body.
Una nang nagkaroon ng tensyon sa Jaen kung saan nakuhanan ng video si Esquivel at anak nitong si Tonyboy kasama ang sinasabing private army ng mga ito na tinututukan ng high powered firearms ang mga supporters ni reinstated Mayor Sylvia Austria sa loob ng compound ng Municipal Hall.