Nagpaliwanag ang Commission on Elections o COMELEC kaugnay sa mga nawawalang manual copies ng Certificate of Canvass o COCs sa ginagawa ngayong canvassing ng boto para sa mga kandidato sa pangulo at ikalawang pangulo.
Ngayong umaga ay na-defer o ipinagpaliban muna ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress ang canvassing ng boto sa Mandaluyong, Sulu at Maynila dahil wala sa ballot boxes ang manually transmitted na COCs na siyang ikinadismya ng mga mambabatas.
Agad na humarap sa joint canvassing committee si Atty. Helen Aguila Flores, Deputy Executive Director for Administration ng COMELEC, para magpaliwanag kung bakit hindi nailagay sa ballot boxes ang COCs bago ito maihatid sa Senado para sa canvassing.
Aminado si Flores na sa kabila ng pag-iingat ng provincial election supervisors o PES sa pag-oorganisa ng mga kopya ay may nakakaligtaan pa rin sila.
Ilan sa factors o dahilan na binanggit ng COMELEC na nakaapekto sa pagtiyak sa COCs sa pangulo at ikalawang pangulo ay ang sobrang pagod, pressure sa pagtiyak na maayos ang halalan, at kawalan ng tulog ng mga COMELEC in-charge sa mga probinsya at siyudad.
Umaaasa naman si Joint Canvassing Committee Chairman Migz Zubiri na hindi na mauulit ang ganitong sitwasyon sa susunod na halalan.