*Cauayan City, Isabela-* Nagbigay paalala sa publiko ang tanggapan ng Commission on Population sa Lungsod ng Cauayan kasabay sa ipinagdiriwang na Family Planning Month ngayong buwan ng Agosto.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Rouchel Pareja, Special Operations Officer II ng POPCOM, layon nito na mapaalalahanan ang publiko lalo na sa mga mag-asawa o mag-aasawa tungkol sa tamang pagpapamilya o parenthood.
Una nang nagsasagawa ng pre-marriage seminar ang nasabing tanggapan katuwang ang City Health Office sa mga mag- asawang bubuo palang ng kani-kanilang pamilya para sa mas magandang resulta ng kanilang pag-iisang dibdib at pagtatatag ng isang pamilya.
Nagsasagawa rin anya ang kanilang tanggapan ng usapan o forum sa mga barangay sa Lungsod para imulat ang publiko sa kahalagahan ng pagkakaroon ng maganda at maayos na pamilya.
Paglilinaw rin ni Ms. Pareja na hindi aniya nila dinidiktahan ang isang mag-asawa sa kung ilan ang kanilang dapat na maging anak bagkus ay kanila lamang pinapalaganap ang pagpapaalala sa mga mag-asawa hinggil sa tamang pagpapamilya.
Paalala nito sa bawat indibidwal na bago pumasok sa isang relasyon ay dapat nakahanda na maging isang responsableng magulang at nakahanda na rin ang bawat pangangailangan ng isang pamilya para sa mas matatag na pamilya.