Community Isolation Unit ng City of Ilagan, Binuksan na

Cauayan City, Isabela- Binuksan na ng pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang kanilang Community Isolation Unit (CIU) para sa mga Ilagueñong may COVID-19.

Pinangunahan ni City Mayor Josemarie Diaz ang inagurasyon na isinagawa ngayong araw, Abril 4, 2021 kasama ang ilang mga health officials at mga opisyal ng Lungsod.

Sa pahayag ng alkalde, magsasagawa muna ng disinfection sa bagong bukas na CIU bago ito pormal na tatanggap ng mga pasyenteng may mild cases ng COVID-19.


Sinabi ni Mayor Diaz na napaaga ang pagbubukas ng Isolation Unit ng Lungsod dahil sa dami na ng naitalang positibong kaso.

Hindi kasi aniya pwede na pabayaan lamang ang mga Ilagueñong positibo sa COVID dahil punuan na rin ang mga ospital sa rehiyon na tumatanggap ng COVID patient.

Muli namang nagpaalala ang alkalde sa publiko na seryosohin ang pagsunod sa minimum health standards dahil tanging sarili lamang natin aniya ang makakapag-iwas sa nakamamatay na virus.

Kinakailangan din aniya ang disiplina sa sarili at suporta sa mga ipinatutupad na guidelines upang matulungan ang gobyerno sa layong mabawasan at mapababa ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, base sa tala ng DOH Region 2, mayroong 119 na aktibong kaso ang Lungsod ng Ilagan; 16 rito ang may CV codes habang 103 cases pa ang walang CV Codes.

Pumapalo naman sa 28 ang naitalang COVID-19 related deaths habang nasa 1,176 ang total recoveries.

Ang Lungsod ng Ilagan ay ikinonsidera na rin na nasa High risk dahil sa mataas na naitalang COVID-19 cases.

Facebook Comments