
Hindi na maghahain ng kanilang reply ang complainants ng ikatlo at ika-apat na impeachment complaints sa inihaing 15-pahinang Consolidated Verified Answer Ad Cautelam ni Vice President Sara Duterte.
Base ito sa isinumite nilang magkahiwalay na “Manifestation Of Waiver To File A Reply” sa House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro.
Base sa manifestation ni Atty. Amando Ligutan, legal counsel ng complainants na binubuo ng mga pari, madre at abogado, hindi naman sinagot ni VP Sara ang mga alegasyon sa kanya.
Nakasaad naman sa dokumentong ibinahagi ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V, ay binabanggit ni Atty. Nathaniel Cabrera, na syang complainant ng ika-apat na reklamo, na sa naging tugon ni VP Duterte ay walang bagong “factual matters” at mayroon lamang “general denials, legal conclusions at procedural objections.”
Bunsod nito ay hinihiling ni Cabrera sa komite na ituloy na ang pagtukoy kung sufficient in grounds ang impeachment laban sa bise presidente.










