Comprehensive rehabilitation plan para sa mga biktima ng bulkang Taal, ipinalalatag ng Kamara

 

Inatasan na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang House Committee on Disaster Management sa pangunguna ng Chairman na si Cong. Lucy Torres-Gomez na maglatag na ng comprehensive rehabilitation plan para sa mga lugar na apektado ng volcanic activities ng Bulkang Taal.

 

Ayon kay Cayetano, binigyang direktiba na niya si Torres-Gomez para makipag-ugnayan sa House Committees on Agriculture, Tourism and Trade and Industry para sa paglikha ng rehabilitation plan sa mga syudad at munispalidad sa Batangas, Cavite at Laguna.

 

Sinabi ni Cayetano na ang mga LGUs at iba pang government agencies ay nakasentro na sa rescue at relief operations kaya ang Kongreso naman ay tututok sa rehabilitation efforts para makatulong sa pagbangon ng mga biktima ng pagaalburuto ng bulkan.


 

Kasama sa pagbuo ng rehabilitation plan ang pagpopondo, logistics, at operational support mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

 

Maaari aniyang magtulungan dito ang mga komite sa Kamara, government agencies at mga urban planning experts para matiyak na disaster-resilient at sustainable ang rehabilitasyon ng komunidad at kabuhayan ng mga apektado ng natural calamity.

 

Paliwanag ni Cayetano, mahalagang makapaglatag ng short-term at long term plans para maibalik ang lakas ng turismo at pamumuhunan sa mga probinsya sa lalong madaling panahon.

 

Ngayong 2020 ay mayroong inilaan na P16 Billion para sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management na maaaring paghugutan sa pagsasaayos ng mga apektadong lugar.

Facebook Comments