Tiniyak ni Senator Chiz Escudero ang mabusising pagtalakay sa confidential at intelligence funds ng ilang ahensya ng gobyerno na aabot sa mahigit P10 billion ang halaga bago aprubahan ang P5.768 trillion na 2024 national budget.
Ayon kay Escudero ang paghimay sa CIF ay gagawin sa isang executive session dahil may mga bagay tungkol dito ang hindi maaaring isapubliko lalo na pagdating sa national security.
Aalamin kung ang pondong ito ay hindi ibinulsa at talagang napunta sa dapat na paggamitan ng confidential at intelligence funds bago magdesisyon na maglaan ulit ng kaparehong budget para sa susunod na taon.
Sa taong 2024 ay nasa P10.12 billion ang ipinalalaan ng Ehekutibo para sa confidential at intelligence funds.
Mas mataas ito ng P120 million kumpara sa mahingit P9 billion na confidential and intelligence funds ngayong taon.
Samantala, ngayong umaga ay aarangkada na sa Mataas na Kapulungan ang pagdinig para sa pambansang budget sa susunod na taon.
Unang sasalang sa budget hearing ng Finance Committee na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng mga economic manager ng pamahalaan.