Inaabangan ngayong araw kung sino ang magiging house speaker ng 18th Congress.
Tatlo ang inaasahang maglalaban-laban, sina Taguig Representative Alan Peter Cayetano, Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez at Bayan Muna Representative Carlos Zarate.
Bago ito, ngayong umaga kasi ay kapwa nagpatawag ng hiwalay na breakfast meeting sina Cayetano at Davao Representative Paolo Duterte.
Ayon kay Albay Representative Joey Salceda – kahit may endorso mula kay Pangulong Rodrigo Duterte si Cayetano sa pagka-speaker, baka may mga mangyaring hindi inaasahan.
Sabi pa ni Salceda, inaasahang nasa 200 mambabatas ang dadalo sa imbitasyon ni Congressman Pulong.
Pero tiniyak ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco – parehas nilang dadaluhan ang breakfast meeting nina Cayetano at Pulong.
Gusto lamang ni Congressman Duterte na makilala ang mga makakasama niya sa Kamara.
Sinabi naman ni Senate President Tito Sotto III na senior member ng Nationalist People’s Coalition (NPC), si Cayetano ang susuportahan ng 41 miyembro nila sa Kamara.