Cong. Helen Tan, Dawit sa Panibagong Kontrobersiya sa Paglabag sa COVID-19 Protocol

Muling nadawit sa matinding kontrobersiya ang kinatawan ng ika-apat na distrito ng Quezon Province at kasalukuyang Chair ng Committee on Health na si Cong. Helen Tan.

Maraming netizens ang umalma kahapon, ika-12 ng Septyembre, dahil diumano sa free flu vaccination drive ni Tan sa Sentro Pastoral Compound sa Brgy. Isabang, Lucena City, dahil sa kawalan ng kaayusan sa buong programa.

Ani nila, hindi raw ito ang unang event ni Tan na posibleng magkahawaan ang mga tao dahil sa kawalan ng kaayusan.


Marami sa kanila ang galit na nag-post sa social media dahil alas sais y medya pa lamang ng umaga ay nagdulot na ng malubhang daloy ng trapiko ang event, at dinagsa ito ng mga tao na wala nang pakundangan sa IATF protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng masks at face shield.

Inireklamo rin ng karamihan na mas malakas pa raw ang sound system ng kinatawan kumpara sa misa ng kalapit na simbahan.

Nagtataka rin ang isang residente dahil hindi naman kasama sa distrito ni Tan ang Lucena.

Bukod rito, alam din dapat diumano ni Tan ang mga panganib na dala ng kaniyang event dahil bukod sa pagiging Chair ng Committee on Health ay isa rin siyang doktor.

Ayon sa kanila, hindi dapat ito hinayaang mangyari ni Tan dahil nagkukumahog na nga ang gobyerno upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na masangkot ang kongresista sa eskandalo tungkol sa COVID-19.

Matatandaan na noong Marso, kinastigo si Tan ng IATF dahil sumingit ito sa pagpapabakuna kahit na A1 category o medical frontliners pa lamang dapat mabakunahan.

Masama ang loob ng marami kay Tan dahil nauna siya kahit may malinaw nang utos na si Speaker Lord Allan Velasco na walang Kongresista ang dapat mabakunahan bago ang mga Congress staff at ang media.

###

Facebook Comments