Isang naulilang pamilya mula sa Brgy. Manambong Sur, Bayambang ang nananawagan sa mga vloggers o content creators na humingi ng tamang pahintulot bago kumuha ng litrato o video.
Nag-ugat ito sa insidente kung saan nasawi nitong Pebrero ang kanilang kaanak na may mental health condition, at nakaranas ng takot dahil sa presensya ng mga vloggers at sa takot na makuhanan ito ng camera.
Ayon sa pamilya, nagsimula ang pagbisita ng isang vlogger noong Disyembre 2025 upang tulungan umano ang kanilang tiyuhin sa pagkuha ng video, ngunit dahil sa takot, umalis umano ito sa bahay at hundi umuwi nang dalawang araw.
Nitong Enero, inulit ang tangkang pagkuha ng video, at tatlong linggong hindi umuwi ang biktima.
Natagpuan na lamang itong naagnas na bangkay ng isang magsasaka habang nagpapatubig sa maisan, matapos ang ilang linggong paghahanap ng pamilya.
Base sa medical examination, isang linggo na umanong pumanaw ang kanilang kaanak dahil sa posibleng nainom na insecticide. Tinukoy rin na dumaranas sa Anti-Social Disorder ang biktima dahilan ng pag-iwas nito sa maraming tao at sa camera.
Hindi rin umano sinisisi ng naiwang pamilya ang vlogger ngunit posibleng naging trigger sa kondisyon nito ang umano’y pamimilit na kuhanan siya ng video. Aminado sila na mabait at tahimik ang biktima, at masakit lamang ang nangyari sa kabila ng pag-aalaga nila rito.
Magsilbi sana umano itong paalala sa mga content creators: humingi ng pahintulot, alamin ang kondisyon ng subject, at respetuhin ang kabuuan ng content bago ito gawin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










