Kinalampag ng isang health expert ang pamahalaan na paigtingin ang contact tracing upang maiwasan na makapagtala ng local transmission ng monkeypox virus.
Ayon kay Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante, hindi niya rin inaalis na posibleng magkaroon ng local transmission ng nasabing sakit matapos maitala ang ika-apat na kaso ng virus sa bansa na walang travel history.
Pero, binigyang-diin ni Solante na ang importante ay proteksyon laban sa monkeypox, kung saan dapat itaas ang kamalayan at surveillance sa sakit upang matigil o mapigilan ang hawaan.
Giit pa ng eksperto, napakahalaga ng contact tracing dahil ang incubation period at bago lumitaw ang mga sintomas ay medyo mahaba, kung saan may oras pa para gawin ang contact tracing bago sila magkaroon ng mga sintomas.
Samantala, hindi rin sang-ayon si Solante sa panawagan na magpatupad ng lockdown.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekomenda ang lockdown at tiniyak ang mga hakbang sa pag-iwas sa monkeypox virus.